PALASYO, DUMEPENSA SA PAGKAKATALAGA KAY ZOFIA CANLAS SA PCUP SA GITNA NG MGA TANONG SA KANYANG KUALIPIKASYON

Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagkakatalaga kay Zofia Canlas bilang commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa kabila ng mga tanong tungkol sa kanyang edukasyon at pagiging angkop sa naturang posisyon.

Nagtapos si Canlas ng Biology, major in Medical Biology, sa De La Salle University noong 2024. Bago siya italaga bilang commissioner, nagsilbi siyang chief of staff ng tagapangulo ng PCUP. Naging first nominee rin siya ng Batang Quiapo party-list noong 2025 elections.

Nagdulot ng mga batikos ang kanyang pagkakatalaga, partikular sa mga nagtatanong kung may sapat na kaugnayan ang kanyang pinag-aralan at karanasan sa tungkulin ng ahensiyang mangalaga sa kapakanan ng mga maralitang tagalungsod. Naging paksa rin ng mga puna ang kanyang mga social media post na nagpapakita ng mga paglalakbay niya sa ibang bansa.

Gayunman, iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi na bago kay Canlas ang trabaho sa PCUP dahil dati na siyang nagsilbi bilang chief of staff ng pinuno ng komisyon.

Ang PCUP ang nagsisilbing ugnayan ng pamahalaan at mga maralitang tagalungsod, kabilang ang mga usapin sa pabahay, relokasyon, demolisyon at pangangalaga sa karapatan ng mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan.

Sa kabila ng depensa ng Palasyo, nananatili ang mga tanong ng mga kritiko kung sapat ang edukasyon at propesyonal na karanasan ni Canlas upang gampanan ang mga responsibilidad ng pagiging commissioner ng ahensiya.

📷 PCO