Pamahalaan, muling nagpaalala sa NPA na “Zones of peace” ang mga paaralan

Muling pinaalalahanan ng pamahalaan ang New People’s Army (NPA) na “zones of peace” ang mga paaralan.

Ang pahayag ay ginawa ni Acting Presidential Adviser for Peace Reconcialtion and Unity (OPAPRU) Secretary Isidro Purisima matapos ang sunod-sunod na pag-atake ng NPA sa mga bayan ng Dimasalang Placer, Uson, Cataingan at Cawayan sa Masbate mula Marso 20 hanggang 22. 

Ang serye ng pag-atake ng mga komunistang grupo ay nagresulta ng pagkamatay ng isang sundalo at pagkasugat ng dalawa pa, at pansamantalang pagsasara ng mga paaralan sa naturang mga bayan.

Sinabi ng opisyal, maliban sa pinsalang dulot ng mga pag-atake, lubhang naapektohan nito ang naipit sa crossfire na mga mag-aaral, magulang at guro na nakaranas ng trauma sa nasaksihang karahasan na inilunsad ng NPA. 

Dahil dito, nanawagan ang kalihim na itigil na ng NPA ang pag-atake at pagpapasabog ng bomba malapit sa mga paaralan, dahil walang lugar sa sibilisadong lipunan ang mga ganitong gawain. 

Muling umapela ang pamahalaan sa natitirang kasapi ng NPA na sumuko at pakinabangan ang Local Peace Engagement, at tuluyang talikuran ang karahasan para mamuhay ng tahimik sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.

Larawan mula sa 9th ID