2 Davao police na sabit sa pagnanakaw, pati kanilang Bisor, hepe, sibak sa pwesto

Pinasisibak sa pwesto ni Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director Police Brigadier General Benjamin Silo Jr. ang dalawang pulis ng Davao City Police Office (DCPO) na sangkot umano sa armed robbery sa General Santos City.

Kasama maliban sa dalawa, pinasisibak na rin ang kanilang immediate supervisor at hepe. 

Kinilala ang dalawang pulis na sina Police Chief Master Sgt.  Renante Medina at  Police Master Sgt. Christopher Ararao.

Hinuli ng General Santos City police ang dalawa matapos umanong pasukin ang bahay at pagnakawan ang isang negosyante sa Purok Ondok Gawan, Brgy. San Jose General Santos City. 

Narekober mula sa kanila ang apat na baril, mga magazine, cellular phones, at mahigit P100,000 cash na pag-aari ng biktima. 

Sasampahan ng administratibong kaso ang mga suspek upang masibak sa serbisyo, bukod sa kinakaharap nilang kriminal na kasong robbery with force and intimidation at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act.

Sa isinagawang AFP-PNP Press Corps media briefing Miyerkules ng umaga (Oktubre 5) sa The Royal Mandaya Hotel, sinabi ng tagapagsalita ng Davao City Police Office (DCPO) Major Catherine Dela Rey na isang investigating team ang ipinadala ng hepe ng pulisya sa lungsod Colonel Alberto Lupaz para imbestigahan ang nasabing insidente.

Ayon kay Dela Rey, hindi umano i-totolerate ng DCPO ang iligal na aktibidad ng kanilang dalawang pulis.

Dagdag ng opisyal, hindi umano nagkukulang si Lupaz sa pagbibigay paalala sa kanyang mga tauhan na on at off duty man dapat maging responsable sila sa kanilang mga aksyon lalo na na sila ay tagapagpatupad ng batas.

Si Ararao ay na-assign sa warrant section ng Bunawan Police Station dito sa Davao City at si Medina ay nadestino naman sa bike and foot patrol unit ng DCPO.

Mga larawan mula sa PNP