Mga Airbus choppers ng PNP, grounded matapos ang pagbagsak ng isa nito sa Quezon

Kaagad na ipinag-utos ng hepe ng pambansang pulisya General Dionardo Carlos ang pag-ground ng lahat ng Airbus H125 helicopters ng PNP matapos ang pagbagsak ng isa nitong helicopter na may tail Number RP-9710 sa Real, Quezon kahapon ng umaga.

Kinumpirma ni PNP Spokesperson Colonel Jean Fajardo na ang bumagsak na chopper ay isa sa lima nilang Airbus helicopters. 

Ayon sa kanya, isang Special Investigation Task group ang pinabuo ni Carlos para sa gagawing  malawakang imbestigasyon sa nangyaring insidente na ikinasugat ng dalawang pulis at ikinasawi ng isang sakay ng naturang chopper. 

Si Carlos ay personal na bumisita kahapon sa PNP General Hospital kung saan dinala ang pilotong si Police Lieutenant Colonel Dexter Vitug, at Co-pilot nitong si Lieutenant Colonel  Michael Melloria na sugatan sa insidente.

Habang nagpaabot naman ng kanyang pakikiramay ang chief PNP sa pamilya ng nasawing pasahero ng naaksidenteng helicopter na si Patrolman Allen Noel U Ona.

Nangako rin si Carlos na makakatanggap ng tulong pinansiyal ang naulilang pamilya ni Ona.

Larawan: PNP