Pangulong Duterte, umaming hindi nagustuhan ang mga pangyayari kahapon sa COMELEC

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya nagustuhan ang mga pangyayari kahapon (Nobyembre 13) sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) na kung saan ay naghain na ang mga kandidato ng certificate of candidacy (COC) sa pamamagitan ng substitution na hindi inaaasahan ang mga posisyong tatakbuhan.

Isa  na dito ang paghahain ni Mayor Sara Duterte ng COC sa pagka- bise presidente.

“Kahapon ng umaga (Sabado), alam ko na nag file si Inday,” pahayag ng pangulo.

Sa interbyu  sa kilalang supporter ni Pangulong Duterte na isa ring YouTube vlogger  na si Banat By, tahasang sinabi ng  Pangulo na hindi niya nagustuhan ang naging pasiya ni Sara at hindi naman aniya niya ito masisisi gayung matagal na silang hindi nag- uusap.

“Hindi ko nagustuhan ang nangyari. Hindi ko siya sinisisi (si Inday). I’m sure yung pagtakbo ni Sara desisyon nila Bongbong yun,” saad ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na batay sa kanyang napag- alaman, dalawang  certificate of candidacy ang hiningi umano ng Alkalde ng Davao City  at ito ay para sa pagka-  presidente at Bise- Presidente.

“Dalawa certificate of candidacy ang hiningi niya. President at Vice President,” paglalahad ng pangulo.

Samantala, kinumpirma ng Pangulo na magkakaruon siya ng anunsiyo kung itutuloy ang pagtakbo  sa pagka- Bise Presidente na kung matutuloy ay tiyak na kanyang makakatunggali ang kanya mismong anak na si Mayor Sara.

Ayon sa pangulo, kanya umanong isisiwalat sa panahon ng election campaign  kung bakit hindi siya maaaring sumuporta sa ilang mga kandidato gaya ni Bongbong Marcos at  Manny Pacquiao.