Search and Rescue, nagpapatuloy sa lumubog na barko sa Basilan

Nagpapatuloy ang search and rescue matapos ang paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 ng Aleson Shipping Lines sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island, Basilan.

Ang nasabing barko ay bumibyahe mula Zamboanga City papuntang Jolo,Sulu. 

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), may sakay na mahigit 330 pasahero at 27 tripulante ang barko. 

Ayon sa Coast Guard, nagpadala ang barko  ng distress signal bandang 1:50 a.m. nitong Lunes, Enero 26, mahigit apat na oras matapos umalis sa Port of Zamboanga City bandang 9:20 p.m. ng Linggo.

Sa pinakahuling ulat, 316 katao ang nailigtas, habang hindi bababa sa 15 ang kumpirmadong nasawi at 28 ang patuloy pang hinahanap. Ilan sa mga survivors ay dinala sa Isabela City, Basilan at Zamboanga para sa agarang gamutan at medical assessment.

Aabot sa  223 survivors ang dumaong sa Isabela City Port, habang 23 ang isinugod sa Basilan Medical Center para sa karagdagang lunas at obserbasyon.

Nilinaw ng PCG na hindi overloaded ang M/V Trisha Kerstin 3 at nasa loob ito ng pinahihintulutang kapasidad. Sa kasalukuyan, patuloy ang interview, beripikasyon, at marine casualty investigation upang matukoy ang sanhi ng insidente at pananagutan.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa mga kaukulang ahensya para sa mga susunod pang updates kaugnay ng insidenteng ito.