Huwes sa Zamboanga del Norte, tinanggal at dinisbar ng Korte Suprema

Ipinag-utos ng KorteSuprema ang pagtanggal sa serbisyo at pagdisbar kay Judge Oscar D. Tomarong, Presiding Judge ng Branch 28, Regional Trial Court (RTC) sa Liloy, Zamboanga del Norte, dahil sa pag-utos sa pagpaslang sa kapwa hukom noong 2019.

Huwes sa Zamboanga del Norte, tinanggal at dinisbar ng Korte Suprema

Ipinag-utos ng KorteSuprema ang pagtanggal sa serbisyo at pagdisbar kay Judge Oscar D. Tomarong, Presiding Judge ng Branch 28, Regional Trial Court (RTC) sa Liloy, Zamboanga del Norte, dahil sa pag-utos sa pagpaslang sa kapwa hukom noong 2019.

Naglabas ang Korte Suprema ng desisyon matapos ang mga pagdinig ng Judicial Integrity Board (JIB) na nag-ugat sa kriminal na hatol kay Judge Tomarong dahil sa pagpaplano sa pagpatay kay Judge Reymar L. Lacaya, na noo’y Presiding Judge ng Branch 11, RTC sa Sindangan, Zamboanga del Norte.

Noong 2019, ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagpalit ng sangay ng korte ng dalawang hukom. Matapos ang pagdinig sa Branch 28 at habang naglalakad si Judge Lacaya patungo sa kanyang sasakyang nakaparada sa likod ng gusali ng korte, may narinig na mga putok ng baril. Kalaunan, natagpuan siyang patay sa tabi ng kanyang sasakyan.

Sa paglilitis sa kasong murder, tumestigo si Juliber Cabating (Cabating), isang empleyado ng public works na nagsilbi ring aide ni Judge Tomarong, na inutusan umano siya ni Judge Tomarong na maghanap ng mga bayarang mamamatay-tao para ipapatay si Judge Lacaya. Ayon kay Cabating, sa kanya idinaan ni Judge Tomarong ang PHP 250,000 na bayad sa mga pumatay kay Judge Lacaya.

Tinanggal sa serbisyo ng Korte Suprema si Judge Tomarong at kinumpiska ang kanyang mga benepisyo sa pagreretiro. Dinisbar din siya o tinanggal sa pagpa-praktis ng abogasya, at pinagbawalan sa muling pagpasok sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang murder o pagpaslang ay isang krimeng may moral turpitude, isang mabigat na kasalanan na nagbibigay-katwiran sa pagkakatanggal sa ilalim ng Rules of Court. Tumutukoy ang moral turpitude sa mga gawaing labis na imoral, hindi tapat, at salungat sa tungkulin ng isang tao sa lipunan.

Inilarawan ng Korte Suprema ang mga ginawa ni Judge Tomarong bilang kabilang sa pinakamabibigat na paglabag sa tungkulin ng isang hukom.

Bagama’t naka-apela pa ang hatol na kriminal laban kay Judge Tomarong, nagpasya ang Korte Suprema na hindi kinakailangan ang pinal na hatol para magpataw ng mga parusang administratibo. Sa mga kasong pandisiplina, sapat na ang substantial evidence para patunayan na nakagawa ng krimen ang isang hukom. 

Nagpasya rin ang Korte Suprema na hindi karapat-dapat si Judge Tomarong na magpraktis ng abogasya, at binigyang-diin na ipinagbabawal ng Code of Professional Responsibility and Accountability ang mga abogado na makilahok sa mga gawaing labag sa batas, hindi tapat, o imoral. Dagdag nito, hindi maaaring manatiling kasapi ng propesyon ng batas ang isang abogado na nagpapakita ng lubos na kawalang-galang sa buhay ng tao.

Binigyang-diin din ng Korte Suprema na walang sinuman ang nakahihigit sa batas, kabilang na ang mga kasapi ng Hudikatura, at nasisira ang tiwala ng publiko sa sistema ng katarungan kapag nilalabag ng mga hukom ang mismong mga batas na sinumpaan nilang ipatupad.

Pinaalalahanan ng Korte Suprema ang lahat ng hukuman sa kanilang obligasyon na agarang iulat sa JIB—na kilala na ngayon bilang Judicial Integrity Office—ang anumang hatol na kriminal laban sa mga hukom at kawani ng korte, alinsunod sa Rules of Court.(PR)