10 bansa kasapi ng ASEAN magpupulong para sa Maritime Security

Matapos ang diyalogo ng mga ahensya at organisasyong may kinalaman sa military, security, at defense sa Singapore upang pag-usapan ang maritime security ng rehiyon, nakatakda namang magpulong ang sampung bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa isang Coast Guard and Maritime Law Enforcement Forum sa ika-05 hanggang ika-08 ng Hunyo 2024 na magaganap sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte.

Layon ng naturang inisyatibo na pagtibayin ang kooperasyon tungo sa seguridad ng rehiyon. Tatalakayin dito ang pagkakaisa ng sampung bansa upang malabanan ang mga iligal na aktibidad sa karagatan tulad ng drug trafficking, human smuggling, illegal fishing, piracy, gayundin ang pagpasok ng mga weapons of mass destruction.

Magsasagawa rin ng information sharing at pagpapahayag ng kooperasyon upang protektahan ang yamang dagat ng Southeast Asia. 

Dagdag pa rito, target ng ASEAN Coast Guard Forum na palawakin ang ugnayan ng mga miyembro nito, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa kaligtasan at seguridad sa West Philippine Sea. 

Magsisilbi itong daan upang magkaroon ng iisang tinig at panawagan ang buong ASEAN region ukol sa iba’t-ibang pagsubok at panganib sa malayang paglalayag. 

Ayon kay PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, mahalaga ang regular na pagsasagawa ng naturang forum upang mapag-usapan ang mga plano, aksyon, at operasyon ng iba’t-ibang maritime law enforcement agencies sa ASEAN Region tungo sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa malawak na katubigan ng Southeast Asia. 

Samantala, nakahanda na ang Coast Guard District Southeastern Mindanao na magsisilbing host ng ASEAN Coast Guard Forum. 

Nasa Davao Port na ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) sakay ang mga Coast Guard personnel mula sa Coast Guard Special Operations Force at Coast Guard K9 Force.

Naka-standby na rin ang mga PCG quick response teams upang maitaguyod ang kaligtasan ng lahat ng makikibahagi sa aktibidad mula sa Pilipinas, Singapore, Malaysia, Indonesia, Brunei, Laos, Cambodia, Myanmar, Vietnam, at Thailand.

Larawan mula sa Coast Guard