Amerika, nagpadala ng tulong sa mga biktima ng bagyong Odette

Nagpaabot ng kanilang tulong ang pamahalaang Amerika sa relief at rehabilitation efforts sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Odette.

Sa isang pahayag, sinabi ni US Embassy Chargé d’Affairés Heather Variava, 19 trucks ang kanilang ipinadala para ihatid ang relief items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa CARAGA region, Western, at Central Visayas.

Ayon sa opisyal, 20,000 pamilya aniya ang makikinabang sa relief goods na karga ng labindalawang truck.

May mga mobile storage units din ang ipinadala ng Estados Unidos para sa Surigao Del Norte.

Mayroon ding mga mobile operation vehicles ang US government na kanilang ideneploy sa Southern Leyte upang makatulong na maibalik sa mas lalong madaling panahon ang serbisyo ng telecommunication companies.

Maliban dito, naka-posisyon sa Dinagat Islands, Southern Leyte, at Surigao Del Norte ang mga responders para mabigyan ng pansamantalang matutuluyan ang mga residente dito na nawalan ng tirahan.

Larawan mula sa Provincial Government ng Bohol