Brawner, nakiramay sa pamilya sa 6 sundalong namatay sa engkwentro sa Lanao del Norte

Nagpaabot ng kanyang pakikiramay si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa pamilya ng 6 na sundalong nasawi noong Linggo (Pebrero 18) sa pakikipaglaban sa mga miyembro ng Daulah Islamiya sa Munai, Lanao Del Norte.

Tiniyak pa ni Brawner sa pamilya ng mga nasawing sundalo at sa publiko na makakamit ng mga ito ang hustisya at hindi titigil ang militar sa pagtugis sa mga kalaban. 

Samantala, siniguro din ng opisyal na kanyang sisiguruhin na matatanggap ng apat na iba pang sundalo na nasugatan sa naturang enkwentro ang pinakamahusay na medikal na atensyon.  

Ayon sa opisyal, nananatiling mataas ang motibasyon ng mga tropa na tapusin ang kanilang trabaho at kumpletuhin ang kanilang misyon na wakasan ang lahat ng lokal na teroristang grupo. 

Batay sa tala ng AFP, umabot na sa 18 miyembro ng Daulah Islamiya ang na-nutralisa sa patuloy na pagtugis ng tropa ng pamahalaan kabilang na dito si alyas “engineer”, na umano’y mastermind ng Mindanao State University (MSU) Bombing sa Marawi City noong nakaraang taon.