Caraga Region, naghahanda na sa darating na bagyong Odette

Iniulat ng PAG-ASA Butuan City na malakas ang paparating na bagyo, na ayon sa ahensya mula sa posibilidad na maging severe tropical storm ay pwede itong maging typhoon.

Nagbabala rin ang ahensya na  aabot sa hanggang  signal no.3 ang tropical cyclone wind signal nito.

Kaagad namang nag-abiso  ang Philippine Coast Guard (PCG) na naka-base sa Surigao del Norte at Dinagat Islands na sinuspinde nito ang pagbyahe ng mga sasakyang pangdagat na may bigat na 250 gross tons pababa. 

Kasalukuyang  nararanasan sa Butuan City at maging sa iba pang panig ng rehiyon ang makulimlim at mahinang pag-ulan. Partikular na naaapektohan ang karagatan sa Dinagat Islands, silangang bahagi ng Surigao del Norte pati na ang Siargao-Bucas Grande Islands. 

Nagpaalaala  na rin ng Office of Civil Defense (OCD) Caraga sa  bawat Disaster Risk Reduction and Management Office ng probinsya na paghandaan ang magiging epekto ng bagyong Odette gaya ng flashflood at pagguho ng lupa. 

Batay sa ulat ng PAG-ASA, inaasahang  magla-landfall ang bagyo sa rehiyon ng Caraga sa araw ng Huwebes kaya't pusposan ang isinasagawang information dissemination ng PAG-ASA - Butuan. 

Pinag-iingat na rin ang mga residente lalo na ang mga nakatira malapit sa coastal area ng nabanggit na mga lugar sa posibleng storm surge.