Sistema upang maiwasang mapanisan ng bakuna, tiniyak ng palasyo

Tiniyak ni Acting Presidential spokesperson Karlo Nograles na may sistemang nakalatag ang pamahalaan para maiwasang maabutan ng expiration ang mga dumarating na COVID-19 vaccines sa bansa.

Ginawa ni Nograles ang pahayag sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga ulat na may mga bakunang malapit nang mapaso ang nagamit naman habang mayroon ding nanatiling nakatago sa mga warehouse at cold storage facility.

Binanggit ng opisyal ang isa sa mga pamamaraan na ginagawa ng gobyerno ay ang pagpapatupad ng ‘first in, first out’ upang makaiwas sa pagtama ng expiration date. 

Ibig sabihin, umano nito kung alin ang mas unang dumating sa bansa, kailangang iyon ang unang ilabas at maiturok sa mga dapat mabakunahan.

Ani Nograles, nagsasagawa din aniya ng evaluation ang vaccine cluster sa mga expiry dates ng bakuna at nagsasagawa rin ng pakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga manufacturers.

Samantala, iniulat rin ni Nograles na May itinakdang parameters at guidelines ang gobyerno sa ginagawa nitong pagtanggap ng mga donasyong bakuna.

Ayon kay Nograles na bagama’t nagpapasalamat ang pamahalaan sa lahat ng mga nagbibigay ng donasyon, ayaw naman aniya nila ng masyadong maraming suplay na malapit na ang expiration.

Matatandaang napaulat nuong Oktubre na ang Pilipinas ang isa sa mga top recipients ng malalaking volume ng COVID-19 vaccines sa hanay ng developing countries dahil na din sa mahusay na vaccine roll out nito.