PNP, di makumpirmang patay na ang mag-asawang Tiamzon

Wala pang kumpirmasyon ang Philippine National Police (PNP) kung namatay na ang mag-asawang lider-komunista na si Benito at Wilma Tiamzon sa bankang sumabog sa enkwentrong naganap noong Agosto 22 sa karagatan ng Catbalogan, Samar.

Ayon kay PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr., na hinihintay pa ng kanilang hanay ang ulat ng Crime Laboratory kaugnay ng DNA testing sa mga narekober na labi sa encounter site. 

Ginawa ni Azurin ang pahayag matapos maglabas ng statement ang tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP) Marco Valbuena na umano’y hinuli at pinatay ng militar ang mag-asawa noong Agosto 21, 2022. 

Sinabi ni Valbuena na batay sa kanilang imbestigasyon, pinahirapan at pinatay ng militar ang mga Tiamzon at inilagay ang mga bangkay sa isang banka na pinasabog sa karagatan ng Catbalogan at pinalabas na nangyari ito sa enkwentro noong Agosto 22, 2022. 

Ang hukbong sandatahang lakas ay wala ring ibinigay na ulat noong panahong iyon kung kabilang ba ang mga Tiamzon na nasawi sa enkwentro.

Ipinaubaya na lang  ng Armed Forces of the Philippines sa PNP forensics experts ang pagsasagawa ng DNA testing sa mga labi na narekober sa lugar kung saan nangyari ang insidente.