Azurin, kumpiyansang matukoy ang utak sa pagpatay kay Gov. Degamo

Malaki ang kumpiyansa ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na ang mga positibong kaganapan sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo nitong nakaraang Sabado (Marso 4) ay hahantong sa pagtukoy ng utak sa krimen.

Ito ang pahayag ni Azurin kasabay ng ginawang pag-uulat sa estado ng imbestigasyon na aniya ay isang “textbook example” ng “swift and decisive action” ng Department of Interior and Local Government (DILG), PNP leadership, Regional Special Investigation Task Group ng Police Regional Office (PRO) 7 at Armed Forces of the Philippines (AFP). 

Ayon sa opisyal ang apat na nahuling suspek ay nakikipag-ugnayan sa imbestigasyon at tinutulungan na ngayon ng Department of Justice sa paghahanda ng kanilang sworn affidavits. 

Nagbigay din aniya ng impormasyon ang mga suspek na nagresulta sa pagkakarekober ng mga armas at kagamitan na pinaniniwalaang ginamit sa krimen. 

Naniniwala si Azurin na malakas ang hawak nilang ebidensya para maka-establish ng “Air tight” na kaso. 

Ang mga nahuling suspek ay sinampahan na ng paglabag sa Republic Act (R.A.)10591 (Firearms Law) at R.A. 9516 (Illegal possession of explosives).

Bukod dito, sinampahan na rin ng kasong multiple murder at frustrated murder ang mga naarestong suspek.