Philippine contingent sa Turkiye, nakahukay ng 2 bangkay sa gumuhong gusali

Nahukay ng Urban Search and Rescue (USAR) team ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent sa Turkiye ang dalawang bangkay at putol na binti sa kanilang isinasagawang search and rescue operations sa Turkiye.

Iniulat ng Office of Civil Defense, narekober ng mga sundalonang mga labi Lunes (Pebrero 13) mula sa gumuhong gusali sa “Section N” sa Adiyaman, Turkiye. 

Maliban sa paghuhukay,  nagkaloob din ang Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) ng medikal na atensyon sa mga sugatang lokal na residente matapos ang 7.8 magnitude na lindol na tumama kamakailan.

Nagpaabot naman  ng kanilang pasasalamat ang Pamahalaan ng Turkiye sa PEMAT na siyang unang medical team na nakarating sa Adiyaman. 

Kinumpirma  ng OCD, patuloy ang operasyon ng USAR at PEMAT sa kanilang ika-limang araw sa Adiyaman. 

Sinabi ng OCD na sa kabila ng lahat ng hamon at matinding klima na kinaharap ng mga miyembro ng Philippine contingent, ay nananatili namang maayos ang kanilang kondisyon at determinado sa pagtapos ng misyon.

Inaasahang tatagal ang grupo ng dalawang linggo sa Turkiye.

Larawan mula sa OCD