11 opisyal ng PNP, di pa nakapagsumite ng courtesy resignation

Hinimok ng Police Cavaliers Association Incorporated (PCAI) ang 11 opisyal ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa nagsusumite ng courtesy resignation na gawin na ito bago pa man sumapit ang Enero 31 na deadline.

Sinabi ni PCAI President, Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) Director Police Major General Valeriano de Leon, sa isang pahayag na obligasyon ng lahat ng opisyal ng PNP na sumunod sa chain of command. 

Ginawang dahilan ng  karamihan sa 11 opisyal na aabutan na umano sila ng pagreretiro.

Subalit ayon kay de Leon, ang pagsunod sa chain of command ay patunay ng “moral ascendancy” ng isang opisyal para mamuno, at mahalaga para mapanatili ang tiwala ng taongbayan. 

Aniya, ipinakita na ng hepe ng PNP General Rodolfo Azurin Jr. at ng buong Command Group ang “leadership by example” sa pagtugon sa panawagan ng kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) Benjamin Abalos na bolunyaryong magbitiw sa pwesto, kaya walang dahilan para hindi tumalima ang iba. 

Hinangaan ni de Leon ang lahat ng 3rd level officers na nagsumite na ng kanilang courtesy resignation.

Larawan mula sa PNP