Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Army Colonel Xerxes Trinidad, si 2nd Lieutenant Stephanie R. Rebellon, ay natagpuan na may tama ng bala sa ulo sa loob ng banyo ng kanyang kwarto sa Headquarters ng Civil Military Operations Regiment (CMOR) bandang alas-11 ng umaga noong Linggo (Enero 15).
Naisugod pa si Rebellon sa Army General Hospital sa Fort Bonifacio subalit idineklara na itong Dead on Arrival.
Si Rebellon, 25-taong gulang na opisyal ay kabilang sa Philippine Military Academy “Bagsik Diwa” Class of 2022.
Na-assign ito sa Headquarters ng CMOR at sumasailalim sa orientation para sa kanyang magiging posisyon sa CMOR Civil and Public Affairs Center.
Ipinaabot ni Trinidad ang pakikiramay ng Philippine Army sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Rebellon.
Kinumpirma ni Trinidad na magsasagawa din anya ng internal investigation ang CMOR upang tignan ang lahat ng posibleng anggulo sa insidente.