Azurin, unang tatalima sa utos ni SILG Abalos na courtesy resignation

Mismong si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang unang magsusumite ng kanyang courtesy resignation.

Ito ay ayon kay  PNP Public Information Office Chief Colonel Red Maranan matapos ang pinatawag na command conference ni Azurin sa Camp Crame Miyerkules ng hapon kasama ang mga Koronel at Heneral ng PNP. 

Sa nasabing command conference, tinalakay ang apela ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga full colonel at Heneral ng PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation para sumalang sa assessment ng isang 5-man committee. 

Layon ng utos ni Abalos na malinis ang hanay ng PNP  laban sa mga opisyal na umano’y sangkot sa ilegal na droga. 

Sinabi ni Maranan, bagama’t may mga tanong ang ilang mga opisyal sa pagpupulong, karamihan sa mga 3rd Level officers  ay nagpahayag ng suporta sa hakbang ni Abalos para linisin ang PNP. 

Ani Maranan, naniniwala aniya ang lahat na magiging patas ang vetting process. 

Pabor umano ang mga ito upang sa ganon ma-clear ang lahat na alegasyon, pagdududa, at pananaw sa kanilang integridad ng mga opisyal sa PNP na mapatunayan sa vetting process na wala namang  kinalaman sa ilegal na droga.