Anti-Cybercrime Group, may babala sa mga crypto-currency scam

Pinag-iingat ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang publiko laban sa mga crypto-currency scam na naglipana ngayon sa Social media.

Sinabi ni  ACG Director Police Brigadier General Joel Doria, nanghihikayat ang mga scammer ng mga investors na mamuhunan sa pekeng “crypto investments” sa pamamagitan ng isang dina-download na “crypto app”. 

Aniya, kapag na-download na ang app, maaring ipasok ang “investment” sa pamamagitan ng iba’t ibang digital Wallet na nakalista sa masabing app. 

Makikita din sa app ang paglaki ng puhunan ng investor habang kumikita ito ng interes kada linggo, na nakaka-enganyo sa mga mamumuhunan na magpasok pa ng mas maraming pera. 

Subalit, ayon kay Doria, kapag gusto nang mag-cash out ng investor ay hindi sila pahihintulutan ng app na mag-withdraw, at dito nalang matutuklasan ng mga investor na sila ay na-scam. 

Nagpaalala ang ACG sa mga nagnanais pumasok sa online investing, bisitahin ang website ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) para makita ang listahan ng mga regulated Virtual Asset Service Providers (VASP), upang maiwasan na mabiktima ng mga scammer.

Larawan mula sa PNP-ACG