Pamomomba ng bus sa Tacurong City, mariing kinondena ng militar

Mariing kinondena nig Joint Task Force Central at 6th Infantry Division ang pambobomba ng bus ng Yellow Bus Lines (YBL) sa Purok Duranta, Barangay Poblacion, Tacurong City nitong linggo ng tanghali (Nobyembre 6).

Ayon JTF at 6th ID commander Major General Roy M Galido, ang insidente na nambiktima ng mga inosenteng sibilyan ay gawa ng mga terorista, na ayon sa kanya, lantarang paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law. 

Dagdag ng heneral, mayroon nang lead ang militar at ang Philippine National Police (PNP) sa mga possibleng nasa likod ng pambobomba.

Kinumpirma nito na regular nang  nakakatanggap na banta ang YBL mula sa hindi pa matukoy na grupo.  

Nagpahayag naman ng kahandaan ang kasundaluhan na makikipagtulungan ito  sa mga police investigators para matukoy at manutralisa ang mga teroristang responsable sa insidente.

Matatandaan  na isa ang nasawi at 11 ang sugatan sa 29 na pasahero ng YBL bus number 2588 nang sumabog ang bomba sa loob ng bus habang papasok ito sa public terminal ng Tacurong City, 11:30 ng umaga nitong linggo.

Samantala, isinailalim ng PNP sa mahigpit na seguridad ang Tacurong City sa Sultan Kudarat kasunod ng pambobomba sa YBL bus.

Simabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na nagpakalat na ang PNP at militar ng kanilang pwersa sa syudad para hanapin ang mga kriminal na responsable sa pambobomba.  

Larawan mula sa PNP