500 katao, nabigyan ng ibat-ibang tulong ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Marcos

Aabot sa P240 million ang kabuuang tulong na naibigay ng pamahalaan sa daan-daang residente ng Barangay Sasa at Panacan, lungsod ng Davao, Huwebes ng Hapon (Oktubre 27).

Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang personal na nag-abot ng tulong sa ceremonial distribution na ginanap sa Covered Court, DPWH Kilometer 6, Panacan., Davao City.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na siya mismo ay nandito para tiyakin at makasiguro na maayos naman ang  programa para sa pagtulong sa mga Pilipino na nangangailangan. 

“Dahil alam naman natin eh tayo’y dumadaan pa rin kahit na hindi na tayo gaanong nagkakasakit, kailangan pa rin talaga pa natin magpa-booster shot. Kaya’t nandiyan pa rin ang COVID,” ayon sa pangulo.

“Ngunit eh kaya’t kailangan kahit papaano na kilalanin ng national government at saka ng mga local government na ang ating --- na kayo ay may pangangailangan pa rin. At hindi pa kumpleto na makatayo sa inyong sariling paa sa ngayon,” dagdag ng Pangulo.

Anya, “darating din tayo doon. Dahan-dahanin natin at gawin natin ang lahat para maging mas matibay ang hanapbuhay, maging mas matibay ang ekonomiya, maging mas maganda at mas malinaw ang ating kinabukasan dito sa Pilipinas.”

Ayon kay Pangulong Marcos, isa umano itong bahagi ng pagtulong ng gobyerno at umaasa na sana naman  mabigyan  ng kaunting ginhawa ang mga Dabawenyo. 

“At least for a while, may masimulan kayo. At ito’y mga --- ito’y magandang partnership na pagsasama ng national government dahil ito ay programa ng national government. Pero hindi namin magagawa ito kung walang tulong ng local government officials hanggang sa barangay officials. Kaya’t barangay-based halos itong ating mga ibinibigay na tulong na ibibigay ngayon.”

“Kaya’t kailangan talaga natin. Tama ang nabanggit ni Mayor (Mayor Sebastian Duterte. Sabi niya, talagang kailangan magtulungan. Kaya’t ‘yun ang ating ikinampanya, unity, pagkakaisa,” ani Pangulong BongBong.

“Ito nakikita natin kapag talaga ating [isasabuhay] ‘yang mga salitang ‘yan ay magiging mas maganda talaga ang resulta dahil tayo’y nagtutulungan. Mas marami tayong magagawa, mas marami tayong matutulungan,” banggit ng Pangulo.

Nagpaabot naman ng kanyang kasiyahan ang Pangulo na makarating sa nasabing aktibidad at sinabing magpapatuloy ang gobyerno sa pagbibigay tulong sa mga nangangailangan.

“So I hope that this will somehow mitigate the shocks. Kasi ‘yung mga pangyayari, ‘yung pagtaas ng gasolina, ‘yung taas ng sa lahat ng produkto ng petrolyo ay galing talaga sa labas ‘yan.”

Binigyang diin ng Pangulong Marcos, “ngunit ang Pilipinas, mabuti-buti kung ikukumpara natin sa ibang bansa, mas maganda ang takbo. Ngunit mahirap kasi talaga lahat ang buong mundo, kahit na --- lalong lalo na ‘yung mga bansang malalaki at mayayaman ay sila ngayon ay mas nasa mas delikadong posisyon kaysa sa isang bansa kagaya ng Pilipinas.”

Kinilala naman ng lider ang ating mga kababayang Pilipino na aniya napakagaling, napakasipag, at napakatiyaga. At dahil dito magiging maliwanag sa kanya  na magiging tuloy-tuloy ang pagbabangon nang bansang Pilipinas.


 


 


 


 

Larawan mula kay Armando Fenequito Jr.