DCPO , hinahanda na ang kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon social media

Hinahanda ngayon ng Davao City Police Office (DCPO) ang kaso laban sa ilang netizens na umano'y nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa mga nangyayaring krimen tulad ng kidnapan at holdapan sa lungsod na wala namang katotohanan.

Sa panayam kay DCPO Spokesperson Maj. Maria Teresita Gaspan, sinabi nito na kinokompleto na lang nito ang mga ebidensya para maisampa sa piskalya ang kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o ang Unlawful use of means of publication and unlawful utterances.

Ayon kay Gaspan kailangang mabigyan ng leksyon ang mga netizens na hindi nito nabanggit kung ilan, dahil bukod sa sinisira nito ang imahe ng lungsod, dini-discredit din nito ang trabaho ng kapulisan sa pagpapanatili ng law and order nito.

Dagdag ng opisyal na dapat isipin ng bawat netizen ang kahihinatnam kapag naglalathala ito ng maling impormasyon dahil maaring maghatid ito ng pagkabalisa ng publiko.

Kamakailan lang, kinasuhan ng Toril Police Station ang 18 anyos na estudyante dahil sa pagpapakalat nito ng hind beripikadong impormasyon may kidnapan at holdapan sa isang mall sa lungsod.