Panukalang buwisan ang mga salty foods, suportado ng opisyal ng SPMC

DAVAO CITY – Suportado ng opisyal ng Southern Philippines Medical Center Nephrology Department ang panukalang patawan na rin ng buwis ang mga maalat na pagkain para ma-control ang pagkonsumo nito.

Ito ang inihayag ni SPMC Renal Transplant and Nephrology chairman Dr. Maria Theresa Bad-ang sa isanagawang AFP-PNP Press Corps Southern Mindanao Media Beifing sa The Royal Mandaya Hotel.

Ayon kay Bad-ang napapanahon na patawan ng buwis ang nasabing mga pagkain dahil ito ang madalas sanhi ng kidney failure ng mga Pilipino.

Paliwanag nito na ang kidney failure ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng hypertension ang isang tao dahil hindi na nito masasala ng maayos ang lahat ng dumadaloy sa dugo.

Ayon kay Bad-ang, dahil sa madaling nabibili ang mga nasabing pagkain, ma ilang mga bata na rin ang nagkakaroon ng sirang bato kung saan ilang dito ay sumasailalim na sa Dialysis.

Dagdag nito na base sa datos na kanyang nakalap, aabot na sa P2 billion ang nagastos ng PhilHealth para sa Dialysis na sana'y magamit sa iba pang prayoridad ng pamahalaan.