Comelec 11, siniguro na hindi malalabag ang ballot secrecy ng mga botanteng malalagay sa Isolation Polling Precinct

DAVAO CITY – Sinisiguro ngayon ng Commission on Election 11 (Comelec 11) na hindi malalabag ang ballot secrecy sa mga botanteng malalagay sa Isolation Polling Precinct (IPP).

Inihayag ni Comelec 11 assistant regional director Atty. Gay Enumerables na ang mga botanteng malalagay sa IPP ay iyong mga nakitaan ng sintomas ng COVID-19.

Ayon kay Enumerables na kapag nalagay na ito sa IPP ay dadalhin na lang sa nasabing separate voting precinct ang balota nito ng isang miyembro ng electoral board at pagkatapos bumoto ay ibabalik ito sa nasabing personahe para dalhin sa assigned precinct ng botante para i-feed sa Vote Counting Machines.

Paliwanag ni Enumerables na hindi maaring ang botante ang mag-feed ng balota sa VCM dahil ayon sa kanilang protocol ay dapat hindi siya dapat nakahalo sa mga botanteng walang sintoma.

Kaya bilang panigurado, seselyohan ng mga electoral board ang mga ballot secrecy folder para hindi masilip ang kanilang balota.

Papipirmahin din ng waiver ang botante at pipirma din ng isang undertaking ang miyembro ng electoral board na magdadala at mag-feed  ng kanilang balota.

Dagdag ni Enumerables na ito ang nakikitang paraan ng Comelec upang hindi maantala ang botohan ngayong taon dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

File Photo : 2019 Election