8 lugar sa Maguindanao at Lanao Del Sur, isinailalim sa Comelec control

Inilagay na sa Commission on Elections (Comelec) control ang anim na bayan ng Maguindanao gayundin ang isang Lungsod at isang Munisipalidad sa Lanao Del Sur.

Sinabi ni  Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, ang pagsasailalim sa mga lugar na ito na Comelec control ay alinsunod sa naging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at ni Regional Election Director Ray Sumalipao.

Partikular na isinailalim ng Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns  sa Comelec control  ang mga bayan ng Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag, at Sultan Kudarat sa Maguindanao.

Isinailalim rin sa Comelec control ang Marawi City at bayan ng Maguing sa Lanao del Sur.

Matatandaang naunang isinailalim sa kontrol ng Comelec ang mga bayan ng Tubaran at Malabang.

Batay sa Comelec resolution number 10757, isinasailalim sa Comelec control ang isang lugar kung may kasaysayan ito ng matinding labanan ng mga magkatunggaling kandidato o grupo na posibleng  magbunga ng muling karahasan.

Gayundin ang karahasan na kinasasangkutan ng private armed groups, mga  komunista, terorista, at mga bandido.

Ipinaliwanag ng Comelec na kung ang lugar ay nasa ilalim ng kontrol ng Comelec, magkakaroon na nang direktang superbisyon  mula sa mga opisyal at kawani, ganundin sa mga Law Enforcement Agencies.