𝗣𝟮𝟬-𝗠 𝗽𝗼𝗻𝗱𝗼 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝘀𝗼𝗹𝗮𝗿-𝗽𝗼𝘄𝗲𝗿𝗲𝗱 𝘀𝘁𝗿𝗲𝗲𝘁 𝗹𝗶𝗴𝗵𝘁 𝗽𝗿𝗼𝗷𝗲𝗰𝘁 ilalaan sa 𝟱 𝗯𝗮𝗿𝗮𝗻𝗴𝗮𝘆 sa bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte

DAVAO CITY- Nakakuha ng karagdagang pondo na umabot ng P20 million si Santo Tomas Mayor Ernesto Evangelista para sa kanyang “Hayag Tomasino Project”.

Ang nasabing pondo ay gagamitin para sa karagdagang poste ng ilaw sa limang barangay sa bayan ng Santo Tomas sa Davao del Norte. 

Kinumpirma mismo ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa isang liham na ipinadala kay Mayor Evangelista na na aprubahan na ng ahensya ang nasabing proyekto na pinonduhan mula sa Financial Assistance to Local Government Unit (FALGU) 2021. 

Ang P20 milyon ay paghahatian ng limang (5) barangay para sa nasabing solar-powered street light project. Ito ay ang Barangay Magwawa, Barangay New Katipunan, Barangay Salvacion, at Barangay San Miguel. 

Inihayag ni Mayor Evangelista na nag-issue na ng Notice of Cash Allocation (NCA) ang Department of Budget and Management (DBM) para sa Barangay New Katipunan at Special Allotment Release Order (SARO) para sa Barangay Magwawa, Salvacion at San Miguel. 

Ang P5 milyong pondo ay na i-download na rin sa account mismo ng limang barangay para maipatupad ang solar-powered street light project. 

Hinihikayat rin ni Mayor Evangelista ang limang barangay local government unit (LGU) na simulan na ang pagpaplano para naturang proyekto bagama’t hindi pa tapos ang pandemya ng COVID-19, upang makabenepisyo rin ang mga Tomasino sa proyekto ng lokal na pamahalaan. 

Binigyang-diin ni Evangelista ang kahalagahan ng komunikasyon upang maipaalam sa kanya o sa Santo Tomas LGU ang mga proyektong dapat matugunan ng kanyang administrasyon gaya ng pailaw sa ilalim ng kanyang Hayag Tomasino program. 

Suportado naman ni ABC President/Punong Barangay Ricky Inodioan at Councilor Julie H. Mantequilla ang nasabing proyekto. Ang dalawang opisyales ay chairperson at miyembro ng Committee on Energy and Electrification sa Sangguniang Bayan.