14 lungsod na election hotspots, posibleng isailalim sa red category- PNP

Iniulat ngayon ng pambansang pulisya na 100 munisipalidad at 14 na lungsod sa buong bansa na itinuturing na election hotspots ang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na isailalim sa red category.

Ang red category ang pinakamataas na antas ng alerto sa seguridad, kasunod ng orange at yellow. 

Ayon kay PNP chief General Dionardo Carlos, ang  mga lugar na nasa red category ay mayroong insidente ng karahasan, political rivalry, at presensya ng mga armadong grupo na pwedeng manggulo sa panahon ng election period at sa mismong araw ng halalan.

Gayunpaman, iniutos na ng opisyal sa mga unit commander na tutukan ang mga lugar na nasa red category nang sa gayon ay maging kontralado ang sitwasyon at kanilang mapanatili ang kaayusan.

Nauna ng sinabi ng Commission on Election (Comelec) na may 300 ang areas of concern o election hotspots ang kanilang tinitingnan.

Subalit hindi na nito tinukoy  ang mga lugar dahil isasailalim ulit nila ito sa beripikasyon.

Dito sa Davao Region, 16 munisipyo ang tinukoy ng Police Regional Office (PRO) 11  na nasa election areas  of concern.

Walo ang isinailalim  sa yellow category na kinabibilangan ng Sta. cruz, Matanao, Magsaysay,Malalag, Hagonoy, at Padada sa Davao del Sur, at dalawang munisipyo naman sa  probinsya ng Davao de Oro at ito ay ang New Corella at Monkayo.

Habang nasa orange category ang Kiblawan sa Davao del Sur, Lupon sa Davao Oriental, Mabini, Maco, Maragusan, Montevista, New Bataan, at Pantukan na pawang nasa Davao de Oro.