67 residente ng Nabunturan, Davao de Oro inilikas dahil sa walang tigil na ulan noong Linggo

DAVAO CITY – Aabot sa 67 na mga indibidwal ang inilikas sa bayan ng Nabunturan, Davao de Oro dahil sa walang tigil na pag-ulan nitong araw ng Linggo, Pebrero 27.

Sa inilabas na pahayag ng lokal na pamahalaan, nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang Nabunturan Emergency Response Team (NERT) sa ilalim ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Barangay Magsaysay sa nasabing bayan dahil sa posibleng pagbaha dito. 

Hinanda naman ng mga personahe ng Municipal Social Welfare and Development Office ang relief goods para sa mga inilikas na mga residente ng nasabing barangay. 

Nagsagawa na rin ng check-up at namigay rin ng gamot ang  Municipal Health Office sa mga tao na nasa evacuation center. 

Sa ngayon, wala pang abiso ang mga awtoridad kung pwede ba itong pabalikin sa kani-kanilang kabahayan. 

Patuloy din ang monitoring ng MDRRMO  sa lagay ng panahon ngayong araw (Pebrero 28).

Photo from LGU Nabunturan Facebook page