Planong importasyon ng asukal, iimbestigahan sa Kamara

Inihain sa Kamara ang isang resolusyon para sa gagawing pagsisiyasat sa planong pag-aangakat ng libu-libong metrikong toneladang asukal.

Sa inihaing House Resolution 2495, inaatasan nito ang House Committee on Agriculture and Food na silipin "in aid of legislation" ang importasyon ng 200,000 metric tons ng asukal gayong kasagsagan naman ng pagaani ng asukal sa bansa. 

Matatandaan na Pebrero 8 inaprubahan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng refined sugar para tugunan ang kakulangan sa suplay ng asukal sa bansa matapos salantain ng bagyong Odette ang mga sugar producing regions. 

Ngunit sa ulat mismo ng SRA, tumaas ng 42% ang produksyon ng refined sugar sa bansa o katumbas ng 353,779 metric tons kumpara sa 249,515 metric tons sa nakaraang taon. 

Maliban dito, naitala rin ng SRA ang 2.3% na pagtaas sa suplay ng raw sugar sa susunod na anim na buwan. 

Nagpaabot ng kanilang pagkabahala ang mga local sugar producers sa Negros Occidental sa umano’y  "ill-timed at ill-planned" na pag-aamgkat ng asukal sa gitna ng harvest season na ikakalugi ng husto ng mga sugar producers. 

Ang Negros Occidental ay binansagang sugar capital ng Pilipinas.