Mati City LGU umangkat ng baboy mula sa pribadong farm para mapababa ang presyo ng karne nito sa merkado

DAVAO CITY – Umangkat ng mga buhay na baboy ang lokal na pamahalaan ng Mati City, Davao Oriental para suplayan ang pangangailangan ng mga konsumante at mapababaan ang kasalukuyang presyo ng karneng baboy sa lungsod.

Sa isang pahayag, sinabi ni Konsehal Eric Rabat na ang pag angkat ng baboy ng lungsod ay bunsod ng kakulangan ng supply dito dahil sa pagtama ng African Swine Fever sa bansa na naging sanhi ng pagtaas ng presyo ng kada kilo ng karne nito. 

Sa ngayon, naglalaro sa P360 ang kada kilo ng baboy sa kanilang merkado kung saan mataas ito ng P20 sa dapat sana'y P340 kada kilong presyo. 

Ayon kay Rabat na ito ang pansamantalang solusyon na kanilang nakikita habang hindi pa stable ang supply ng baboy sa bansa para mababaan ang presyo nito sa kanilang merkado. 

Nitong Biyernes ng gabi (Pebrero 18) dumating sa Mati City Slaughterhouse ang nasa 75 na mga buhay na baboy mula sa Maharlika Farm sa Davao del Sur.

Photo from MATI CIO